Ito ang iginiit kahapon ni Atty. Pacifico Marcelo ng PCCI at APC Wireless matapos magsumite ng 12-page affidavit nito sa Senate blue ribbon committee na pinamumunuan naman ni Senator Joker Arroyo.
Sinabi ni Atty. Marcelo, principal stock holder ng 2 kumpanya, walang hinihinging P40 milyon suhol si First Gentleman Arroyo sa kanya para mabawi ang veto order sa spell out franchise bill pero may mga pagtatangka ang dalawang malalapit kay Mr. Arroyo na sina Ito Los Banos, presidential assistant for special concerns at Antonio Gatuslao, presidential legislative assistant ng Malacañang.
Una ay P40 milyon ang hinihingi umano nina Los Banos hanggang sa maging P8 milyon at maging P6 milyon na lamang para lakarin ang pagbawi sa veto pero tinanggihan namin ito, wika pa ni Marcelo.
Nitong 1st week ng August nang dumating ako mula sa paglalakbay sa US, ay nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula kay Mai-Mai Jimenez, appointment secretary ni Pangulong Arroyo, dahil nais akong kausapin ni Pangulong Arroyo kinabukasan sa Malacañang, wika pa ni Marcelo.
Nakaharap naman niya si Pangulong Arroyo sa isang silid sa Palasyo kung saan ay inabot ng 30 minuto ang kanilang paghaharap kung saan ay tinalakay niya ang naging problema ng 2 niyang kumpanya.
Sinabi umano sa kanya ng Pangulo na nagpapasalamat ito dahil sa ipinalalabas na statement ng PCCI na wala itong sinuhulan sa Palasyo para bawiin ang veto ng 2 franchise bill.
Humantong ang kanilang pag-uusap kung puwede naman niyang isumite na lamang ulit ang aplikasyon ng prangkisa ng kanyang 2 kumpanya sa kongreso pero tumutol ang Pangulo dahil hindi umano niya papayagan na makapag-operate siya (Marcelo) ng isang clearing house dahil ang gobyerno umano ang dapat may kontrol dito.
Nagulat naman si Marcelo nang biglang sabihin ng Pangulo na kung papayag siya na ibigay ang majority control ng kanyang 2 kumpanya ay baka matulungan pa niya ito pero tumutol siya dahil maliit na lamang ang matitira sa kanilang magkakasama sa negosyo.
Sinagot umano siya ni Pangulong Arroyo na then I am sorry, there is nothing I can do for you saka tumayo dahil may dinner pa umano ang chief executive sa PMA Class 71 ng gabing iyon.
Pagkatapos nito ay dumanas naman ng sunud-sunod na harassment si Marcelo mula sa kanyang mga kontrata sa gobyerno tulad ng supply niya ng phone booths sa Telepono sa Barangay Program, ang kontrata nito sa PLDT na pagtatayo ng 30,000 card payphones ay nakansela at ang consultancy niya sa Bulacan Bulk Water Supply na foreign funded ay inalis din sa kanya. (Ulat ni Rudy Andal)