Batay sa ulat na tinanggap kahapon nina RP Ambassador to Malaysia Jose Brillantes at AFP Chief of Staff Gen. Diomedio Villanueva, si Misuari ay nahuli ng Malaysian police habang sakay ng speedboat sa Jampiras island sa Sabah dakong alas-3 ng madaling araw.
Ayon kay Malaysian Inspector-General of Police Norian Mai, si Misuari ay inaresto dahil sa illegal entry.
Ang Jampiras ang pinakamalapit na isla sa RP-Malaysia international boundary at 30 minuto lamang ang layo kung sasakay sa bangka mula sa Sabah town ng Sandakan.
Si Misuari na siya ring lider ng Moro National Liberation Front (MNLF) faction, ay pumuslit palabas ng bansa matapos nitong iutos ang pag-atake sa himpilan ng militar sa Jolo, Sulu kamakailan na ikinasawi ng 113 katao.
Mula sa pinagtataguan nitong isla malapit sa Jolo ay tumakas ito patungong Sabah at balak umanong magtungo sa Saudi Arabia.
Nakatakda namang ibalik ng Malaysian police sa Pilipinas si Misuari sa lalong madaling panahon.
Nauna nang sinabi ni Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad na hindi niya pagkakalooban ng political asylum si Misuari dahil isang internal matter ito at ang Malaysia ay hindi nagbibigay ng kanlungan sa mga rebelde mula sa ibang bansa.
Nagpasalamat naman ang AFP sa pagkakaaresto kay Misuari at patunay lamang na ang rebelyon ay walang magandang ibubunga. Patunay rin anya ito na totoong inabandona nito ang kanyang mga tauhan matapos na isubo sa labanan sa Jolo.
Magugunita na ipinag-utos ni Pangulong Arroyo ang pagtugis kay Misuari kasunod ng pagpapalabas ng warrant of arrest laban dito ng Jolo Muncipal Trial Court sa kasong rebelyon kasunod ng paghingi niya ng tulong sa pamahalaan ng Malaysia at Indonesia para sa search and arrest operations laban sa puganteng ARMM governor.
Irerespeto naman ng Malacañang ang batas ng Malaysia sakalit pagpasyahan ng pamahalaan nito na sa kanilang bansa litisin si Misuari.
Si Misuari ang sinasabing utak ng pag-atake ng MNLF renegades sa himpilan ng militar sa Jolo na ikinasawi ng 113 katao.(Ulat nina Rose Tamayo,Joy Cantos at Lilia Tolentino)