Sinabi nina Senador Panfilo Lacson at Ralph Recto na dapat nang magbitiw si Gualberto at humingi ng paumahin kay Rod Strunk na idinawit ni Medel sa pagpatay sa beteranang aktres.
Sinabi naman ni Recto na kung tinorture lamang si Medel ng grupo ni Gualberto para aminin sa krimen, dapat pangunahan niya ang pagbibitiw ng buong puwersa o miyembro ng Task Force Marsha.
Sa House, sinabi ni Minority Leader Carlos Padilla na dapat ipag-utos ni Pangulong Arroyo ang reorganisasyon sa PNP-CIDG at maging sa TF Marsha.
Totoo man o hindi ang mga isinigaw ni Medel ay dapat umanong kumilos ang Pangulo at imbestigahan ng Kongreso ang mga paratang ni Medel na pinahirapan siya.
Lumalabas umano ngayon na "back to zero" na naman ang imbestigasyon ng CIDG at TF Marsha.
Tumanggi naman si Pangulong Arroyo na magbigay ng pahayag hinggil sa ginawang pag-atras ni Medel.
"Kailangang hintayin muna natin ang resulta ng imbestigasyon," sabi ng Pangulo.
Tumanggi rin ang Pangulo na sagutin ang tanong hinggil sa kung may magaganap na pagbalasa sa PNP. (Ulat nina Rudy Andal,Malou Escudero at Lilia Tolentino)