Kamakalawa ay nagbago ang galaw ng mga tao at naging normal ang kilos ng mga mamamayan. Nagkanya-kanyang gimikan ang kalalakihan at sumugod sa barberya para ipatabas ang kanilang mga buhok at balbas. Simula kasi ng kontrolin ng Taliban movement ang Kabul ay itinuturing na ang lugar na ito na pinakamapanganib dahil marami ang bawal.
Bawal ang kasiyahan, tugtugan, tumawa, manood ng videos, maglaro ng soccer, magbasa ng magazines, uminom ng alak, magpalipad ng saranggola o kahit gumamit ng paper bag.
Ang mga kababaihan naman ay pinagbabawalan ring magtrabaho o mag-aral at makipag-usap sa foreigners. Nagsimula na rin silang mag-alis ng tabing sa mukha at buong pagmamalaki na nilang ibinabandera ang kanilang kaanyuan.
Samantala, kabado na umano ang mga lider ng Taliban partikular si Osama bin Laden matapos na maka-iskor ang opposition forces Northern Alliance ng sunud-sunod simula nang makubkob ang kabisera ng Kabul at Kandahar.
Kinumpirma ng US officials na bagsak na ang puwersa ng Taliban, pero nagbabala na maaaring gumanti ito sa pamamagitan ng pamumundok at mag-operate bilang mga gerilya.
Naniniwala ang US na nasa Afghanistan pa rin si bin Laden at ilang panahon na lamang ay hindi na magiging ligtas pa para sa suspected international terrorist na magtagal sa nasabing lugar.