Inireport ni Chief justice Hilario Davide sa lahat ng justices ang resulta ng naging pulong nila at sa isang 3-page resolution ay inutusan ng 15 justices ang dalawa na magsampa ng pormal na reklamo sa isat isa sa loob ng 48 oras.
Ang nasabing mga demanda ay isusumite naman sa oversight committee na pinamumunuan ni Senior Associate Justice Josue Bellosillo na siyang mag-iimbestiga kung mayroong matibay na ebidensiya para isulong ang reklamo ng mga ito laban sa isat isa.
Pormal ring ibinaba ni Justice Davide ang "gag" order kina Garchitorena at Badoy upang patuloy na pagbawalan ang mga ito na magsagawa ng anumang uri ng press conference o magpa-interview sa media hinggil sa naturang usapin.
Binalaan din ng Korte ang dalawang mahistrado na parurusahan kapag lumabag sa nasabing gag order.
Nabatid na tumanggi umano si Garchitorena na makipag-kamay kay Badoy sa apat na oras na miting na inayos ni Davide. (Ulat ni Grace Amargo)