Reporter na nagbunyag ng 'Gang of 5' ipinaaaresto

Dahil sa pagtanggi ng isang reporter na pangalanan ang kanyang source sa isyu ng "Gang of Five" sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, hiniling kahapon ni Southern Leyte Rep. Aniceto Saludo na arestuhin at ikulong ito.

Sa imbestigasyong isinagawa kahapon ng House committee on ethics, iginiit ni Saludo na dapat isiwalat ni People’s Journal reporter Tita Valderama kung sino ang kanyang source sa istorya ng "Gang of 5."

Subalit pinanindigan naman ni Valderama ang kanyang karapatan bilang mamamahayag na huwag ibunyag ang source sa ilalim ng Republic Act 1477.

Sinuportahan naman ito ni Isabela Rep. Antonio Abaya, chairman ng ethics committee, pero iginiit ni Saludo ang naging kaso ni Emil Jurado na pinatawan umano ng parusa ng Supreme Court dahil sa pagtanggi ring pangalanan ang kanyang source.

Magugunitang pumutok ang istorya ng "Gang of 5 " nang tukuyin ni Valderama sina Saludo, Negros Oriental Rep. Jacinto Paras, Iloilo Rep. Rolex Suplico, Leyte Rep. Eduardo Veloso at Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay na diumano’y mga miyembro ng "Gang of 5."

Binanggit ni Valderama na mayroon itong dalawang source na nagsabing tumanggap ng tig-P2 milyon ang mga kongresista mula sa Smart at Globe upang maging pabor sa dalawang kompanya ang isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso sa planong pagbabawas ng text messages.

Itinanggi naman ng mga kinatawan ng Smart at Globe na nagbigay sila ng pera sa nabanggit na mga kongresista.

Naging kapuna-puna rin sa isinagawang pagdinig kahapon ang kagaspangan ng pagtatanong ni Saludo kay Valderama kung saan sinabi pa ng una sa huli na tumingin sa kanya ng diretso gayong batid nitong may depekto sa mata ang nasabing reporter.

Dahil dito, pinaalalahanan ni Abaya si Saludo na tratuhing panauhing resource person ang mamamahayag.

Ang mosyon ni Saludo na ipakulong si Valderama ay napagkasunduan ng komite na resolbahin sa susunod na pagdinig ng komite sa Martes. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)

Show comments