Sa House Resolution No.287 na inihain ni Bukidnon Rep. Juan Miguel Zubiri, sinabi nito na napakalaki ng naiambag ni Blanca sa pagpapalago ng industriya ng pelikulang Pilipino.
Umaabot sa 163 pelikula ang nagawa ni Blanca sa loob ng 50 taon niya sa movie industry maliban pa sa ibat ibang TV shows.
Lingid din umano sa kaalaman ng nakararami, naging "informal government peace negotiator" si Nida Blanca noong 1948, kapanahunan ni Presidente Elpidio Quirino at 1954 habang si Ramon Magsaysay naman ang Pangulo ng bansa.
Sinabi ni Zubiri na hanggang ngayon ay hindi pa opisyal na kinikilala ng gobyerno ang naging bahagi ni Blanca sa pagpapanumbalik sa gobyerno ng napakaraming miyembro ng Huks (Hukbong Bayan) na pinamumunuan ni Luis Taruc.
Ayon pa kay Zubiri, bagaman at naging marahas ang kamatayan ni Blanca ay dapat namang kilalanin ng pamahalaan ang magandang halimbawa na ipinakita nito sa mamamayang Pilipino lalo na sa mga kabataan. (Ulat ni Malou R. Escudero)