Swiss knife ginamit kay Nida

Swiss knife ang ginamit ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa pagpaslang sa aktres na si Nida Blanca kaya umano karamihan sa mga tama na tinamo ng biktima ay mababaw.

Ito ang lumilitaw sa pagpapatuloy ng isinasaga wang imbestigasyon ng PNP-Task Force Marsha.

Ayon sa naunang report, sa 13 tinamong mga saksak ni Blanca sa katawan partikular sa mukha, siyam ang mababaw at "malambot" dahilan para ipalagay na babae ang isa sa mga killer. Ang dalawang saksak nito sa leeg na pumatid sa ugat at isang tama sa bahagi ng kili-kili ang malalim at hinihinalang ikinamatay ng aktres.

Nakadiskubre rin sila sa sasakyan ng aktres ng isang plastik ng Jollibee at isang pakete ng Marlboro cigarette nang matagpuan ang bangkay noong Nobyembre 7.

Ang nasabing plastik ay naglalaman nang isang hindi pa nauubos na hotdog na hinihinalang kinain o take-out pa ng aktres ngunit nawawala ang resibo nito.

Bagaman malabo pa ang anggulong sa labas ng kotse pinaslang ang aktres ay pinangatawanan naman ng mga medical expert na sumuri sa bangkay na malaki ang posibilidad na sa loob ito ng sasakyan sinaksak.

Samantala, sa 22 witness na hawak ngayon ng task force, ilan lamang dito ang mapapakinabangan o credible sa imbestigasyon dahil karamihan ay iba-iba ang ibinibigay na mga testimonya.

Pinag-aaralan na rin ang video footage ng Casino Filipino sa Parañaque City, partikular noong Nob. 7 makaraang sabihin ng Pagcor officials na wala umano ang aktres sa casino noong nabanggit na petsa.

Taliwas ito sa pahayag ng lumutang na saksing kinilala sa pangalang "Purple" na katabi niya mismo si Blanca habang naglalaro sa casino ng nabangggit na petsa.

Isa pang palaisipan sa mga awtoridad ay ang nadiskubreng kawalan ng pangalan ni Rod Lauren Strunck, mister ni Blanca, sa log book ng Atlanta Center kung saan nadiskubre ang bangkay ng aktres kinabukasan.

Matatandaang batay sa testimonya ni Strunck, nagtungo siya sa garage area ng Atlanta dakong alas-2 ng madaling araw at nakita niya na nakaparada ang kotse ni Nida pero nang sumilip siya dito ay wala itong lamang pasahero.

Nakatakda ring ipatawag si Katherine "Kaye" Torres, tanging anak ni Blanca, para tumulong sa pagresolba sa may isang linggo nang murder case ng ina.

Samantala,upang matukoy kung tutugma ang mga ebidensiyang nakuha sa bangkay ng pinaslang na aktres ay nakatakdang isailalim sa DNA test ang lahat ng mga pinaghihinalaang suspek sa pagpatay.

Ito ay matapos imungkahi ni Dr. Maximo Reyes, chief ng NBI-medico legal sa Task Force Marsha na isailalim sa physical examination ang lahat ng mga pinagdududahang suspek para matukoy kung tutugma ang kanilang body composition sa mga material sample na nakuha sa kuko ng aktres.

Ngunit sinabi ni Espina na isasagawa ang physical exam kapag may court order at dapat ay mayroon umanong kasamang abogado ang suspek.

Nilinaw ni Reyes na hindi kayang tukuyin ng forensic medicine kung paano at saan pinatay ang aktres. Ang tanging maitutulong lamang nila ay siyasatin ang bangkay at mga material sample na nakuha nila sa katawan nito upang makatulong sa imbestigasyon. (Ulat nina Joy Cantos at Ellen Fernando)

Show comments