Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group chief, Director Nestorio Gualberto, masusing pinag-aaralan ngayon ng pulisya ang ibinigay na mga testimonya ng mga saksi at sa loob ng linggong ito ay inaasahang mailalatag na nila ang anggulo sa motibo sa krimen kundi man tuluyang malutas na ito.
Sa hiwalay na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), lumilitaw na babae at kakilala ng premyadong aktres ang isa sa mga salarin.
Ayon kay NBI medico-legal chief Maximo Reyes, pinapatunayan anya ng 13 saksak na tinamo ng aktres na babae ang may gawa nito dahil sa "malambot" at mababaw lahat ang mga tama at ang dalawang saksak sa leeg na pumatid sa extra jugular veins nito ang siyang naging fatal at kanyang ikinamatay. Nilinaw rin ng NBI na buo ang mga kuko ni Blanca at hindi tinanggal gaya ng unang report.
Ayon pa sa NBI, mga professional hired killers ang mga dumale kay Blanca. Planado umano ang naturang pagpaslang dahil malinis ang pagsasagawa ng krimen. Nilinis din umano ng killers ang sasakyan ng biktima sanhi upang mabigo ang mga awtoridad na makakuha ng fingerprints ng mga salarin sa crime scene.
Nakarekober rin ang mga pulis ng isang kawad ng telepono sa crime scene na hinihinalang ipinansakal kay Blanca.
Sinabi ng NBI na posibleng namatay ang aktres sa pagitan ng alas-3 hanggang alas-4 ng madaling araw dahil sa nakita ng medico legal na hindi pa tunaw ang kinain nito. Posible ring sa mga oras na ala-una ay nag-midnight snack pa ang aktres.
Base naman sa paniwala ng PNP, pawang amateurs ang salarin dahil kung isang propesyunal ang nasa likod ng krimen ay titiyakin ng mga ito na patay kaagad ang biktima sa isa hanggang dalawang saksak pa lamang.
Sa ngayon ay apat na anggulo ang tinututukan ng pulisya pagnanakaw, kagalit o paghihiganti dahil sa dami ng saksak, napagtripan ng mga sabog sa droga o premeditated murder.
Bagaman ibinasura na ng PNP ang anggulong robbery sa insidente ay hindi naniniwala ang pamilya ni Blanca na pagnanakaw ang naging dahilan sa pagpaslang dahil tanging isang hikaw lamang sa kaliwang tenga ang nawawala.
Binubusisi rin ng mga awtoridad kung may kinalaman ang sinasabing malaking insurance ng aktres upang mayroong magtangka sa buhay nito.
Samantala, nakatakdang imbitahan ng San Juan police ang apat na construction workers, mga guwardiya at ilang empleyado ng Atlanta Towers para isailalim sa finger printing.
Naglaan na rin ng P300,000 cash reward si San Juan Mayor JV Ejercito sa sinumang makapagbibigay ng mahalagang impormasyon sa pulisya hinggil sa kaso ni Blanca.
Kamakalawa ng gabi ay nauna nang inimbitahan para tanungin ang driver at alalay ng aktres ngunit tumanggi naman ang awtoridad na bansagan ang mga ito bilang mga suspek.
Nakatakdang dumating ngayon mula sa California, USA ang nag-iisang anak ng aktres na si Katherine.
Kahapon din ay isang message prayer gift ang ibinigay nina Pangulong Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo para sa beteranang aktres ng dumalaw ang mga ito sa burol.
Ayon sa Pangulo, nabigla siya sa pagkamatay ng aktres at hindi mapaniwalaan ang brutal na pagpaslang dito.
Paborito anya niyang aktres si Nida. Noong bata pa siya at nakatira sila sa Iligan kapag dumarating ang pelikula ni Nida katambal si Nestor de Villa sa sinehan sa lalawigan ay dinarayo niya ito kasama ang kanyang mga kaibigan.
Sinabi pa ng Presidente na nang magkaroon ng pagbalasa sa MTRCB at nakita niya si Nida na miyembro ng board ay sinabi niyang panatilihin ito sa MTRCB dahil kilala niyang mahusay na artista ito at makakatulong sa maayos na pagpapatakbo ng lupon.
Si Blanca, 65, Dorothy Jones sa tunay na buhay at miyembro ng board of directors ng MTRCB ay natagpuang patay sa likurang upuan ng kanyang kotse na nakaparada sa 6th floor parking area ng Atlanta Towers. (Ulat nina Joy Cantos,Ellen Fernando, Andi Garcia,Lilia Tolentino, Jhay Mejias at Danilo Garcia)