Sinabi ni Pimentel ang bagay na ito matapos matuklasan na walang garantiya ang pamahalaan na masusugpo ang drug addiction sa hanay ng mga driver kahit dumaan pa sa compulsory drug testing na nagkakahalaga ng P300 bawat driver dahil walang garantiya na matutuklasang gumagamit o hindi ng droga ang sinumang aplikante.
Iginiit pa ni Pimentel na hindi nakatitiyak ang LTO na mahuhuli ang sinumang drug addict na driver dahil may mga paraan ang mga ito upang makaligtas o hindi mabukong gumagamit ng shabu o marijuana.
Naniniwala si Pimentel na tanging mga may-ari at operator ng klinikang aprubado ng LTO ang siyang makikinabang sa P300 na ibinabayad ng bawat driver para sa compulsory drug testing.
Inihayag pa nito na maraming nakakaalam na hindi epektibong mahuhuli ang drug addict sa naturang sistema kaya walang justification ang LTO na ipagpatuloy pa ang pagpapatupad ng naturang requirements.
Sinabi pa ng mambabatas na hindi lamang inutil na gumastos ng halagang P300 ang bawat driver kada tatlong taon sa pagkuha ng bagong lisensiya, kundi arbitrary at mapanupil na paraan upang tugunan ang problema sa droga.
Sinabi ni Pimentel na unang ipinatupad ang compulsory drug testing sa pamamagitan ng memorandum circular ni dating LTO chief Benjamin Calima sa panahon ng Estrada administration pero pansamantalang sinuspinde dahil pumalag ang publiko. Ibinalik lamang ni LTO chief Edgardo Abenina ang bagong patakaran. (Ulat ni Rudy Andal)