Ayon kina Senators Rodolfo Biazon at Gringo Honasan, nakakairita na ang ginagawang paninisi ng mga opisyal ng National Power Corporation (Napocor) sa mga dikya sa tuwing magkakaroon ng pagkasira ang Sual Power Plant sa Pangasinan na naging dahilan ng malawakang blackout sa Luzon.
Sinabi ni Sen. Honasan, dapat magkaroon ng malalimang imbestigasyon kung ano ang tunay na sanhi ng pagbagsak ng Sual Power Plant, Pagbilao 1 & 2 Power Plant sa Quezon at ang Calaca power plant sa Batangas at ang isa pang power plant sa Leyte.
Aniya, hindi naman puwedeng sisihin na lamang palagi ang mga dikya o jellyfish dahil hindi naman puwedeng ipatawag ito sa Kongreso upang sila ay maimbestigahan.
Winika naman ni Sen. Biazon, hindi ito ang unang pagkakataon na magkaroon ng malawakang blackout sa Luzon nang masira ang Sual Power Plant dahil din umano sa dikya.
Ipinaliwanag pa ni Biazon, lalong nagpagulo sa sitwasyon sa tuwing magkakaroon ng malawakang blackout sa Luzon ang magkakaibang pahayag ng mga opisyal ng pamahalaan kaya lalong nagugulo ang taumbayan sa tunay na sanhi nito.
Ayon naman sa Napocor, ang pagkakasira ng boiler ang dahilan ng pagbagsak ng operasyon ng Sual plant sa Pangasinan.
Sinabi ni Arvee Villafuerte, division chief ng Napocor Corporate Communications, nagkaroon ng leak sa tube at nagkulang sa temperatura ang boiler ng Sual kaya bumigay ang planta.
Ang boiler sa Sual, ayon kay Villafuerte ay sinlaki ng isang 4-storey building at may kapasidad na 5,000 megawatt na suplay ng kuryente na naidadaloy sa mga electric consumers sa Luzon.
Ang Sual plant aniya ay pagmamay-ari ng Mirant Co., isang Hong Kong-based electric company.
Sinabi rin ni Villafuerte na inaalam naman nila ang dahilan ng pagkasira ng Calaca power plant sa Batangas. Isang minuto matapos bumigay ang Sual ay bumagsak din ang Calaca plant.
Tulad ng Sual, ang mga Pagbilao 1 at 2 power plant sa Quezon ay pag-aari rin umano ng Mirant.
Umaabot sa 5,000 megawatt ang kailangang suplay ng kuryente sa Luzon sa isang araw.
Kaugnay nito, humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng Meralco sa muling pagkakaroon ng brownout kahapon sa ilang lugar ng Maynila at Quezon City ganap na alas-7:45 ng umaga.
Sa isang panayam, sinabi ni Jo Salderiaga ng Meralco, nagkaroon ng insufficient system capability sa mga planta ng Napocor kayat naramdaman na naman ang brownout kahapon sa nabanggit na mga lugar.
Hindi umano agad nakapasok ang sistema ng suplay ng kuryente sa Meralco kayat may mga lugar na dumanas ulit ng brownout kahapon.
Gayunman, sinabi ni Salderiaga na naibalik naman ang suplay ng kuryente bago mag-alauna ng hapon kahapon. (Ulat nina Rudy Andal at Angie dela Cruz)