Ayon kay Atty. Leonardo de Vera, private prosecutor, dapat nang pakialaman ni Supreme Court Chief Justice Hilario Davide ang nagaganap na iringan bago tuluyang mawalan ng tiwala ang publiko sa Sandiganbayan. Inamin ni Garchitorena, chairman ng First Division, na ang namumuong iringan nilang dalawa ni Badoy ang pinakamatinding krisis kaugnay sa negatibong publisidad na kinakaharap ng Sandigan.
Nasa pangangasiwa ni Badoy ang mga kasong plunder, illegal use of alias at ikalawang perjury case ni dating Pangulong Estrada, samantala hawak ni Garchitorena ang orihinal na perjury case.
Magugunitang nagsimula ang iringan sa pagitan ng dalawa ng ihayag ni Badoy ang matinding pressure sa kanya ni Garchitorena upang magbitiw bilang chairman ng Third Division. Subalit sinabi naman ni Garchitorena na mismong si Associate Justice Ricardo Ilarde, miyembro ng Third Division, ang humiling kay Badoy na magsumite ng "leave of absence" dahil sa mahigpit umano nitong paghawak sa mga kasong kriminal ni Estrada.
Ayon naman kay Badoy, nabigo si Garchitorena na makuha ang suporta ng kanyang mga kasamang sina Ilarde at Associate Justice Teresita de Castro upang hilingin ang kanyang pagbibitiw.
Samantala, tiwala naman si Pangulong Arroyo na maayos ang problema sa Sandiganbayan para maipagpatuloy ang mabilis at makatarungang pagpapalabas nito ng desisyon.
Ang pahayag ng Pangulo ay kaugnay na rin ng ulat na hati daw ang Sandiganbayan sa kasong pludner na isinampa laban kay Estrada.
Ang Pangulo ay nakatakdang bumalik ngayon sa bansa matapos dumalo sa ASEAN summit sa Brunei. (Ulat nina Malou Rongalerios/Lilia Tolentino)