May multo sa opisina ni Sen. Villar?

Alam ba ninyo na ang opisina ng pro-tempore sa Senado ay palaging may "dalaw"?

Ayon sa pagtatapat ni Edwin Hayahay, janitor ng Senado na nakatalaga ngayon sa tanggapan ni Senate President Pro-Tempore Manny Villar sa 6th floor ng bagong gusali ng Senado sa CCP complex, Pasay City, wala sa hinagap niya na may "kasama" silang iba sa opisina.

Pero, isang gabi habang nag-iisa siya at naglilinis ay nakarinig ito ng sipol at malalakas na pag-ubo ng isang lalaki sa kuwarto ni Sen. Villar.

Hindi niya ito binigyan ng ibang kahulugan hanggang sa nitong Setyembre 30 taong kasalukuyan ng dalhin niya ang kanyang apat-na-buwang-gulang na sanggol na si Allysa sa tanggapan ni Villar para pakunan ng litrato ay namangha si Edwin ng ma-develop ang nasabing picture ng anak.

Mayroong lumitaw na braso na kulay pula na nakahawak sa binti ng kanyang sanggol at kinilabutan si Edwin at asawa.

Sa ginawa pang pagtatanong, nabatid na maging mga staff ni Sen. Blas Ople nang nanunungkulan pa itong pro-tempore ng Senado ay nakaranas ng kakaibang pakiramdam sa naturang kuwarto.

"Isang lalaki ang umuubo, sumisipol sa loob ng silid pero wala namang ibang tao maliban sa akin kaya nagtayuan ang mga balahibo ko ng oras na yon," kuwento naman ni Emma Tesoro, staff ni Sen. Ople.

Ang nakakakilabot pa sabi ni Tesoro ay nang biglang may magpapatugtog ng CD na sinabayan ng animo’y tumitipa ng computer gayong wala namang tao sa loob ng opisina.

Sa pinalalim pang pagtatanong, nabatid ng mga staff ni Sen. Ople na mayroong namatay na staff si Sen. John Osmeña noong nanunungkulan naman itong Senate president pro-tempore.

Namatay sa atake sa puso si Elmer Valencia, 42, correspondent staff ni Sen. Osmeña.

Ayon kay Eli Maraon, media relation officer ni Osmeña, mahilig sumipol o pumito si Elmer noong nabubuhay pa ito at ugali nito sa tuwing darating o papasok sa trabaho ang umubo para ipabatid sa mga kasamahan na naroon na siya.

"April 6 noong nakaraang taon ng masawi si Elmer matapos atakihin sa puso habang ito ay nagmamaneho ng kanyang sasakyan at matapos iyon ay halos araw-araw nang nagpaparamdam sa amin dito sa opisina," wika pa ni Maraon.

Nang maupo bilang pro-tempore si Sen. Ople ay tinanong ni Maraon sa media relation officer nito na si Gil Rosario kung nagpaparamdam sa kanila ang "iniwan" nilang kaibigan sa naturang opisina.

"Hindi ko personal na naramdaman ang mga sinasabi nila pero halos pare-pareho ang kuwento sa mga ginagawang pagpaparamdam sa opisina ng pro-tempore," sabi pa ni Gil sa PSN.

Isa lamang ang nais ipahiwatig ng mga paramdam na ito sa mga staff. Puwedeng pumasok sa Senado ang mga "ligaw na kaluluwa" nang hindi na kukuha pa ng permiso at ID sa Senate security. (Rudy Andal)

Show comments