Ito ang ibinunyag kahapon ni Catherine Tabien, 28, may asawa, nakatira sa #639 P. Anzures st., Lealtad, Sampaloc, Maynila.
Ayon kay Tabien, nanalo siya sa March 29 6-Digit draw ng lotto sa kumbinasyong 6-8-6-6-3-9 na may jackpot prize na P1,639,586.06 kaya kinabukasan ay agad siyang nagtungo sa PCSO sa may E. Rodriguez Sr., Ave., QC para kubrahin ang napanalunan.
Nagtungo ito sa Claims department ng PCSO at pinapunta siya sa opisina ng isang Ms. Michelle Bautista at pinapirma sa kanya ang winning ticket pagkaraang beripikahin.
Matapos ito ay pinabalik siya ng Abril 2 at binigyan ng postdated check ng PNB na nagkakahalaga ng P1,639,586.06 ni Ms. Bautista at sinabihang bumalik na lamang sa takdang petsa.
Nagbalik ito sa itinakdang petsa ng tseke sa opisina ni Bautista hanggang sa kunin dito ang postdated check at pinaghintay ng kalahating oras. Nang magbalik ang babae ay may dalang passbook ng PNB at nakasaad dito ang halaga ng kanyang napanalunan.
Dagdag pa ni Tabien, sinabihan siya ni Bautista na huwag nitong "gagalawin" ang kanyang pera sa banko dahil may grace period na itong 60-days dahil apat umano silang nanalo at ang isa dito ay hindi pa nagpupunta sa PCSO para kunin ang kanyang napanalunan.
Mula noon ay palagi na siyang tinatawagan sa bahay ni Bautista at paulit-ulit na sinasabihan na huwag iwi-withdraw ang kanyang pera sa banko hanggang sa magduda na ang pamilya nito at muling nagtungo sa PCSO noong huling linggo ng Mayo. Hinanap nito si Bautista ngunit laking gulat nito ng malaman na walang Michelle Bautista na empleyado dito.
Lalo pang binagsakan ng langit at lupa si Tabien ng matuklasan na ang kanyang perang napanalunan sa lotto na naka-deposito sa banko ay nawalang parang bula ng misteryosong naisara ang account nito noong Mayo 4.
Inilantad ni Tabien ang anomalyang ito sa isang forum kahapon kasabay ng pagbubunyag sa PCSO scam ni Robert Rivero.
Sa nasabing Senate hearing, muling inakusahan ni Rivero si First Gentleman Mike Arroyo na ginamit umano ang pondo ng PCSO para "tulungan"ang kandidatura ng apat na PPC senatorial candidates na sina Joker Arroyo, Ernesto Herrera, Juan Flavier at Obet Pagdanganan. Mariing itinanggi ni Mr. Arroyo ang akusasyong ito laban sa kanya.
Samantala, nagpalabas ng pahayag ang PCSO PR & Publicity Department na walang jackpot winner sa 6-Digit draw noong nakaraang March 29, 2001 gaya ng alegasyon ni Rivero.
Sa statement ng PCSO, base sa kanilang official records ay walang jackpot winner para sa 6-Digit draw.(Ulat ni Rudy Andal)