Ayon kay Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao, kabilang ang extradition treaty sa pagtitibaying kasunduan nina Pangulong Arroyo at Chinese President Jiang Zemin na magbibigay daan sa tinatawag na palitan ng mga bilanggo. Sa ilalim nito, ang mga sentensiyadong kriminal ng Pilipinas at China ay pauuwiin ng kani-kanilang mga bansa para doon ipagpatuloy ang pagsisilbi ng kanilang hatol.
Samantala, naging hit sa Hong Kong si Pangulong Arroyo sa loob ng dalawang araw na pagbisita niya dito.
Pinalakpakan ang Pangulo partikular nang ipangako nitong tutugisin ng gobyerno ang mga tiwaling recruiter.
Inutusan din ng Presidente ang konsulado ng RP dito na bigyang atensiyon ang mga problemang kinakaharap ng Pinoy OFWs at kung maaari ay magkaloob ng serbisyo sa araw ng Linggo na kanilang day-off. (Ulat ni Lilia Tolentino)