Binalewala kahapon ni Sandigan special anti-graft court presiding Justice Francis Garchitorena ang bank accounts at iba pang mga ebidensiyang iniharap dahil nabigo umano ang prosecution team na ilagay ang eksaktong halaga ng statement of assets and liabilities ni Estrada nang magsampa sila ng charge sheet.
Ayon kay Garchitorena, mahalagang malinaw na nakasaad ang exact amount na inaakusa ng prosecution para malaman ng akusado ang kanyang asunto. Hindi umano mapapatunayan na may pagsisinungaling sa declaration ng assets kung hindi nito alam ang eksaktong halaga.
Ikinatuwiran naman ni Prosecutor Rolando Olaguer na hindi nila inilagay ang amount dahil hindi ito mahalaga sa kanilang kaso. Ang mga testimonya umano ng bank officials ang makakapagpatunay na may pagsisinungaling sa deklarasyon ng assets.
Si Estrada ay inaakusahang nagsinungaling tungkol sa kabuuang halaga ng kanyang assets dahil sa kanyang official declaration noong 1999 ay P35 million lamang ang ipinasok nito gayong sa bank deposits pa lamang ay higit na sa P35 milyon.
Samantala, labis umanong ikinatuwa ng dating pangulo ang naging desisyon ng korte. Naniniwala umano si Estrada na nabibigyan siya ng maayos na pagtrato ng First Division ng Sandigan.
Dahil sa naging desisyon ni Garchitorena ay hindi na ipiprisinta pa sa korte ang dating pangulo.
Kahapon ay nagtungo si Estrada sa Sandiganbayan nang hindi kasama ang alinman sa miyembro ng kanyang pamilya. (Ulat ni Malou Rongalerios)