Sa pinakahuling impormasyon na natanggap ni Army chief Lt. Gen. Jaime delos Santos, handa umano ang grupo ni Normal Amil alyas Commander Ramsey na pakawalan si Fr. Pierantoni sa sandaling makalikom ng P50 milyon.
Gayunman, tiniyak naman kahapon ni Pangulong Arroyo na walang maaasahang ransom ang mga kidnaper ng pari.
Nabatid na mula sa dating P3 milyon ay naging P8.3M ito at kamakalawa ay itinaas na ng mga abductors ng pari sa P50 milyon.
Matatandaan na si Ramsey, kasama ang napaslang nilang lider na si Akkidin Adbusalam alyas Commander Kiddie ang dumukot sa Italyanong pari habang ito ay nagmi-misa sa Sacred Heart Fathers Chapel sa Dimataling, Zamboanga del Sur noong Oktubre 17.
Sa kasalukuyan ay inililipat-ilipat umano ang pari sa bahagi ng Malabanang, Kalanugas, Sultan Gumander at Boonga island sa Lanao del Sur na siyang mga balwarteng lugar ng MILF. (Ulat ni Joy Cantos)