Ayon kay NAIA Customs District Collector Celso Templo, nabigo ang pasaherong si Rosauro Patricio, 45, ng La Union, na madala sa kanyang pag-alis papuntang Hong Kong ang US, Japanese, Canadian at Australian currencies na nakalagay sa isang travelling bag.
Nakasakay na sa eroplano si Patricio ng damputin. Nang hingan ng permit mula sa Central Bank ay wala itong maipakita.
Nabatid na matagal nang sinusubaybayan ng mga awtoridad si Patricio.
Base sa records ng departing passengers mula sa NAIA Centennial Terminal II, si Patricio ay isang lisensiyadong money exchange dealer at isang regular commuter patungong Hong Kong.
Nabatid din na si Patricio ay isang beses sa isang linggo kung magtungo sa Hong Kong na ang dala ay hand-carry luggage at babalik din sa araw na yon.
Gayunman, walang pagbabawal ang gobyerno sa sinuman na maglabas sa bansa ng foreign currencies. Ang pagbabawal ay sumasakop lamang sa local currency na lalagpas sa P10,000.
Pero sa ilalim ng ipinasang money laundering law, ang isang tao ay maaaring imbestigahan kung siya ay makukuhanan sa kanyang pag-iingat ng P5 million o higit pa para matukoy ang pinanggalingan o pinagmulan ng pera.
Kinuwestiyon naman ng mga abogado ni Patricio ang pagkakakumpiska ng Custom authorities. Wala umanong nilalabag na anumang batas ang kanilang kliyente sa pagdadala ng foreign currencies sa Hong Kong.
Nakatakdang sampahan ng paglabag sa money laundering law si Patricio. (Ulat ni Rey Arquiza)