"Sumusobra na ang bangis ng mga kidnaper, panahon na para matigil ang kanilang kalupitan. Kailangan naman na pakinggan natin ang daing ng mga biktima at sama ng loob ng kanilang mga pamilya," pahayag ng Pangulo.
Kinilala ang anim na sina Roberto Gungon, Benedicto Ramos, Zoilo Borromeo, Rommel Deyang, Melvin Espiritu at Nicson Catli.
"Ipahuhugot ko ang papeles ng anim na ito at iparerepaso ko kay Justice Secretary Perez kung paano mapapadali ang pagbitay sa kanila," wika ng Pangulo.
At bilang babala sa mga miyembro ng kidnap-for-ransom ay ipinahanda na ng Pangulo ang lethal injection chamber para unahin ang pagbitay sa dalawa pang mga kidnaper na nasentensiyahan ng kamatayan ng Marikina Regional Trial Court Branch 272 kung saan ang hatol ay kinatigan ng Korte Suprema noong August 2001.
Ang dalawang nasa death row na nakilalang sina Roderick Licayon at Roberto Lara ang siya umanong magiging sampol ng matinding pagkondena ng pamahalaan laban sa karumal-dumal na kidnap-for-ransom.
Inamin ng Pangulo na binago niya ang dating posisyon ng kanyang administrasyon na walang mabibitay sa kanyang panunungkulan, subalit dahil sa tila lumalakas ang puwersa ng mga kriminal ay nagpasya itong tapusin na ang kanilang kalupitan sa mga inosenteng mamamayan.
"Ipatutupad ko ng walang takot ang mga batas lalo na sa mga walang konsensiya na matapos matanggap ang ransom ay pinatay pa ang kanilang biktima," dagdag pa ng Presidente.
Pinasusuri na rin sa DOJ ang bitay sa mga nahatulang rapists, pero pinauuna ang kidnap-for-ransom dahil pinakamalawak ang naging pinsala nito.
Sa kabila ng pagbatikos na urung-sulong ito sa isyu ng bitay, nanindigan ang Pangulo na handa niyang banggain ang Simbahan at ipakitang di tulad ng dati, hindi na siya magiging sunud-sunuran na lamang sa kagustuhan nito. (Ulat ni Lilia Tolentino)