Ito ang inamin kahapon ni Love Joy Matias, director ng Central Mail Exchange Center ng Philpost sa kabila nang paggamit nila ng x-ray machines para suriin ang mga nilalaman ng mga sulat at packages.
"Sa totoo lang, mayroon kaming ginagamit na x-ray machines para sa inspeksiyon ngunit hindi nito kayang maka-detect ng anthrax bacteria," sabi ni Matias.
Idinagdag pa niya na ang pangkaraniwang manggagawa sa koreo ay walang sapat na kaalaman hinggil sa anthrax bacteria at ang paggamit lang ng gas mask ang kanilang maaaring ipanlaban sa nakamamatay na bacteria.
Pinabulaanan pa ni Matias na inatasan silang tanggihan ang mga package na nagmumula sa Britain, Japan at US. Sa katunayan aniya, ang mga postal authorities sa mga nabanggit na bansa ang siya pang nagbabala sa kanila para maging maingat sa mga posibleng pagdaan sa koreo ng biological at chemical weapons.
Kabilang sa hakbang na ipinatutupad ng Philpost ay ang spot checking ng package at sulat na nagtataglay ng "postal bomb characteristics" batay sa itinakda ng Universal Postal Union (UPU), paggamit ng K-9 at x-ray machine para malaman kung may droga, bomba at baril sa loob nito.
Mahigpit ding minamanman ang lahat ng sulat at pakete mula sa bansang Muslim at mga itinuturing na "high risk countries" tulad ng US, Canada, England, France, Germany, Australia, Japan at iba pang kasaping bansa ng UPU. (Ulat ni Ellen Fernando)