Mga Pinoy sa Saudi pinag-iingat

Nagpalabas na ng advisory ang embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia sa lahat ng mga Pinoy doon na mag-ingat at huwag gagawa ng anumang hakbang o magpalabas ng anumang motibo o pahiwatig na pumapanig ang mga ito sa America sa paglunsad nito ng giyera laban sa terorismo.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersec. Franklin Ebdalin, pinagbawalan na rin ang mga Pinoy doon na magsuot ng mga t-shirts na may nakasulat na "we love America" at "Osama bin Laden, wanted dead or alive" na maaaring ikagalit ng mga supporter ni bin Laden.

Sinabi pa ni Ebdalin na maaaring magpalabas rin ng kahalintulad na advisory ang iba pang mga embahada ng bansa sa Middle East at iba pang Muslim countries.

Samantala, posible umanong hindi na makalakad pa si Mary Jane Vitos, ang Pinay na nabaril sa Kuwait dahil matindi umano ang naging tama nito.

Nabatid sa doktor ni Vitos na magiging paralisado si Vitos na kasalukuyan pa ring nasa intensive care unit.

Magugunita na pinagbabaril si Vitos at asawang Canadian nito ng di kilalang suspek na sumigaw muna ng "alahu-akhbar" (God is great). Namatay sa insidente ang mister ni Vitos. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments