Sa advisory ni Vice President at DFA Secretary Teofisto Guingona bago ito umalis papuntang Prague, Czech Republic, maging ang 600 mga Pinoy na kasalukuyang nasa Pakistan ay pinag-iingat na at pinayuhan na rin ng embahada na huwag nang lumabas sa kani-kanilang mga tahanan dahil baka mapag-initan ng mga anti-American groups na nagpoprotesta.
Sa kasalukuyan ay inaareglo na ng DFA ang ilang commercial flights na maglilikas sa mga Pinoy doon kasabay ng hiling sa pamahalaan na magpalabas ng P25 milyon para sa contingency fund.
Pinaghahanda na rin ang embahada ng Pilipinas sa India dahil dito dadalhin ang mga ililikas na mga Filipino sa Pakistan sakaling lumala ang giyera. (Ulat ni Rose Tamayo)