Ayon kay Elmer Labog, tagapagsalita ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sasabayan nila ng kilos protesta ang napaulat na wage order at matitikman umano ng gobyernong Arroyo ang ngitngit ng mga maralitang obrero na ang layunin lamang ay humingi ng makatwirang dagdag pasahod para makatugon sa sobrang taas na halaga ng pamumuhay.
Nabatid na dahil sa pangambang idudulot ng planong P25 wage hike ay nagpapatumpik-tumpik at nag-aalanganin ang pamahalaan na maglabas ng kanilang wage order.
Sinasabing ito ang dahilan sa paglutang ng balitang P77 dagdag sa arawang sahod at ihahayag sa darating na Lunes ang naturang bagong wage order ng NCR-RTWPB.
Ito ay matapos umano ang huling araw na deliberasyon hinggil sa kung magkano ang maaari o dapat na ibigay sa mga manggagawa.
Tumanggi namang kumpirmahin ni NRTWPB commissioner Esther Guirao ang nasabing halaga dahil hindi niya alam kung sino sa tripartite board ang nagpalabas ng ganoong impormasyon.
Sa pagkakaalam niya ay wala pang pinal na halaga ang napagkakasunduan ng board pero tiniyak nito na hindi bababa sa P25 ang ibibigay na dagdag pasahod sa mga manggagawa sa publiko o pribadong sektor.
Tiniyak naman ng hanay ng manggagawa na ibabasura nila ang ipapalabas na wage order sakaling mas mababa sa hinihingi nilang P125-across-the-board at susundan nila ito ng serye ng malawakang kilos protesta. (Ulat ni Andi Garcia)