Kinilala ni Northern Police District Chief, Supt. Vidal Querol ang mga biktimang sina Connie Wong, 45, secretary at collection agent ng Uratex at PO1 Dionisio Borca, 24, aktibong miyembro ng Western Police District na kapwa nagtamo ng tig-isang tama ng bala ng baril sa ulo.
Samantala, himala namang nabuhay ang driver ni Wong na si Angel Barquilla matapos na sumablay at hindi pumutok ang baril na itinutok dito dahilan para makatakas ito.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-5 ng umaga kahapon ng matagpuan ang bangkay ng mga biktima sa Galas st., Brgy. Bignay, Valenzuela City.
Base sa salaysay ni Barquilla, dinukot umano sila ng mga suspek nitong nakaraang Oktubre 1 dakong 8:30 ng umaga sa kahabaan ng Matumtum st., Sta. Mesa Heights, Quezon City habang sakay sila ng isang Mitsubishi Adventure na kulay green at may plakang WTJ-625 at patungo sa Uratex Foam sa San Francisco del Monte, QC.
Habang lulan ng nasabing sasakyan, bigla silang hinarang ng pitong armadong lalaki na sakay ng isang Hi-Lander na kulay itim at isang Toyota Revo na kulay maroon.
Kaagad umanong nagpaputok ng armalite ang mga suspek at mabilis silang piniringan at pinosasan samantalang kaagad na dinisarmahan ng mga ito si Borca saka sila dinala sa isang safehouse.
May hinala naman ang pulisya na malapit lamang ang safehouse ng mga suspek dahil ayon sa kuwento ni Barquilla, may 30 minuto lamang umano ang kanilang nilakbay pero hindi niya nakita kung saang lugar dahil nakapiring sila.
Ayon kay Querol, humihingi umano ang mga kidnapper ng P40 milyon bilang ransom money pero tumawad si Wong ng halagang P300,000.
Pinaniniwalaang nagalit ang mga kidnapper matapos na tumawad si Wong hanggang sa barilin ang mga biktima.
Idinagdag pa ni Barquilla na pinabayaan na lamang siya ng mga suspek na makatakas nang hindi pumutok ang baril ng mga kidnapper kaya nakaalis siya at mabilis na nagtago sa damuhan habang kinakaladkad din nito ang bangkay ni Borca dahil iisa ang kanilang posas.
Matatandaang nauna nang kinidnap ng mga armadong lalaki ang pamangkin ni Wong na anak ng kapatid nitong si Naty Cheng noong nakaraang buwan sa UP Diliman, QC pero pinalaya matapos magbigay ng ransom.
Narekober sa crime scene ang 93 rounds ng bala ng cal. 5.56mm, isang basyo ng cal. 5.56mm at dalawang passbook na nasa pangalan ng biktimang si Wong at asawa nitong si Manuel Wong.
Samantala, ipinag-utos na ni National Anti-Crime Task Force chief, P/deputy director Gen. Hermogenes Ebdane ang pagtugis sa Frederick Valenzia alyas Ambot Group kidnap gang na hinihinalang responsable sa nangyaring insidente. (Ulat nina Gemma Amargo at Joy Cantos)