Sa isang panayam sa dating presidente sa Veterans Memorial Hospital sa Quezon City dalawang araw bago simulan ang paglilitis sa kasong plunder nito, sinabi ni Estrada na naaawa pa nga siya kay Arellano dahil pumirma ito sa affidavit gayong wala namang katotohanan ang mga bintang laban sa kanya.
"Hindi ko naman siya sinisisi sapagkat tinakot lamang siya para pumirma ng affidavit. Sinabi sa kanya, kung ang presidente ninyo ay napakulong namin sa plunder law, ikaw pa?" wika ni Estrada.
"Nakakaawa naman. Talagang takutan na ito. Napilitan na pumirma sa affidavit wala namang katotohanan ang mga sinasabi doon. Ako, dalawang beses akong binigyan ng proposal na umalis ng bansa, noong bago pa lang ang administrasyong ito. Dalawang beses si Justice Secretary Nani Perez ay nagsabi sa akin na pumirma lang ako nang resignation bilang pangulo, ako ay puwede nang lumabas ng bansa at puwede akong mamili ng bansa na pupuntahan," sabi ni Estrada.
Gayunman, sinabi niyang tinutulan niya ang alok na ito dahil lalabas na tinakbuhan niya o tinakasan ang demanda laban sa kanya.
"Kung mayroon akong kasalanan, siguro, sa unang offer pa lang ni Perez ay tinanggap ko na at nangibang bansa na ako. Dahil malinis ang konsensiya ko, haharapin kong lahat ang mga kasong paratang sa akin," pahayag pa ng dating pangulo.
Subalit sinabi ni Estrada na hindi siya binibigyan ng katarungan ng husgado at ito ang siyang ikinalulungkot niya. (Ulat ni Lilia Tolentino)