Ito ang ipinahiwatig kahapon nina Senator Renato Cayetano at Robert Barbers kaugnay ng ginawang pag-amin sa komite ni Acop na ang ipinagkaloob niyang P2 milyon kay Rosebud at P100,000 tseke na mula sa kanyang personal account sa UCPB-San Juan branch ay nanggaling naman sa pondo ng CDF ni Sen. Sotto.
Dahil dito, nakatakdang siyasatin ng Senado ang nilalaman ng bank account ni Acop sa UCPB matapos hilingin naman ni Senate Majority Leader Aquilino Pimentel sa Senate committees on public order and illegal drugs, blue ribbon at justice na i-subpoena ang mga dokumento na may kinalaman sa umanoy personal bank account ni Acop.
Ginawa ni Pimentel ang nasabing hakbang matapos tumanggi si Acop sa komite na isumite nito ang kanyang bank records sa UCPB kung saan nagmula ang P2 milyon na ibinigay niya noong October 10, 1998 kay Rosebud.
Hihingin din nila sa nasabing banko ang detalye ng galaw ng pera ni Acop dito pati ang certification ng statements nito hanggang sa maisara ang account.
Sinabi noon ni Acop na kaya niya binigyan ng P.1 milyon na tseke si Rosebud ay para punan ang mga naging loses nito sa kanyang pinapatakbong 8-2-9 gambling operations.
Iginiit naman ni Rosebud sa komite na hindi iyon tulong na nagmula kay Acop para sa kanyang financial problem kundi para gamitin sanang drug buy-bust money pero hindi na-encash dahil nagbigay na ng P2 milyon cash sa kanya si Sr. Supt. Francisco Villaroman na nagmula naman sa jueteng queen na si Charing Magbuhos.
Sinabi pa ni Rosebud na nagsisinungaling si Acop nang sabihin na isang beses lamang siya nito binigyan ng tseke dahil noong July 1999 ay muli siyang binigyan nito ng P100,000. (Ulat ni Rudy Andal)