Pamumulitika itigil na - GMA

Muling nanawagan kahapon si Pangulong Arroyo sa buong sambayanan na itigil na ang pamumulitika sa bansa sa gitna ng inaasahang negatibong epekto ng pag-atake ng terorista sa Estados Unidos.

Ang apela ng Pangulo ay kasabay ng muling panunumbalik ng sesyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso na inaasahang agad mapagtitibay sa mga mahahalagang panukalang batas tulad ng anti-money laundering bill at iba pang economic reforms bills.

Ipinaliwanag ng Pangulo na lubhang mahalaga sa kasalukuyan ang nasabing moratorium sa pamumulitika dahil nangangailangan ang bansa ng pagkakaisa upang sama-samang balikatin ang pagsulong ng ekonomiya ng bansa.

Naiinggit ang Palasyo sa mga Amerikano na nagkaisa at sama-samang hinarap ang krisis kaugnay ng pag-atake ng mga terorista.

Dapat aniyang magkaisa ang buong bansa sa paglaban sa kahirapan, pagpapasigla sa ekonomiya at sa paglutas sa unemployment at kakapusan sa suplay ng pagkain. (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments