Base sa reklamo ni Felix Ocampo, ng Mandaluyong City kay Transportation and Communications Secretary Pantaleon Alvarez, isa umano ang kanyang anak sa nagtangkang sumali sa naturang kontes at nakaubos ng P1,000 sa prepaid ngunit hindi nakapasok bilang contestant.
Sinabi ni Ocampo na sumisingil ang mga promoter nito ng P9 kada minutong tawag sa kanilang premium line na 1-908-1000000.
Kung meron umanong milyong subscribers na tumatawag sa linya sa isang araw, ibig umanong sabihin nito ay nagkakamal ng milyun-milyong piso ang mga promoter nito na barya lamang kung ikukumpara sa ibinibigay nilang premyo.
Agad nang inutusan ni Alvarez ang NTC na magsagawa ng imbestigasyon dahil sila ang ahensiyang may regulatory powers pagdating sa linya ng telepono. Makikipag-unayan naman ang NTC sa Department of Trade and Industry (DTI) dahil ito ang may authority sa permit ng naturang game show.
Ang WWTBAM ay napapanood sa IBC-Channel 13, limang araw kada linggo tuwing alas-8:30-9:30 ng gabi. Mayroon itong 15 katanungan na nararapat sagutin ng contestant sa tulong ng tatlong lifeline nito, ang "Ask the Audience, 50-50 at Call a Friend."
Sa kasalukuyan, isang contestant pa lamang ang nakakakuha ng P1 milyong premyo at wala pang nag-uuwi ng jackpot na P2 milyon. (Ulat ni Danilo Garcia)