Ayon kay House Deputy Speaker Raul Gonzales, maaaring gamitn ng US ang dating mga base militar nila sa Pilipinas tulad ng Clark Airport at Subic Naval Base sa kanilang refuelling purposes.
Subalit, binigyan-diin naman ng mambabatas na ito ay para lamang sa mga nabanggit na dahilan at hindi puwedeng gamitin bilang staging point ng mga eroplano para mambomba sa terorista.
Dagdag pa rito, kung magpapalabas ng resolusyon ang United Nations Security Council na suportahan ang US sa pakikipagdigma laban sa terorismo ay kailangang tumalima ang Pilipinas dahil miyembro din ang bansa ng UN.
Sinabi ni Gonzales na dapat tiyakin ng pamahalaang Pilipinas na moral at logistical support lamang ang maaaring maitulong ng bansa sa US dahil sa may sarili ring problema ang bansa sa rebelde at komunista kasama na ang bandidong Abu Sayyaf Group (ASG).
Ayon naman kay Negros Occidental Rep. Apolinario Lozada Jr., bagaman at puwedeng gamitin ng Amerika ang dating military base, dapat pa ring tiyakin ng Malacañang na hindi magiging permanente ang pagtigil ng mga Amerikano dito sakaling matuloy ang digmaan.
Inamin ni Lozada na walang magagawa ang Pilipinas kundi ipagamit ang mga dating base militar dahil sa mutual defense treaty sa pagitan ng dalawang bansa.
Idinagdag pa nito na hindi na dapat magpadala ng mga sundalong Pilipino sa Amerika upang tumulong sa ilulunsad nilang giyera laban sa mga terorismo.
Kulang na umano ang Pilipinas sa mga sundalo at marami ring problemang kinakaharap ang militar na dapat unahin ng pamahalaan. (Ulat ni Malou Rongalerios)