Sinabi ni Sen. Lacson, magsusumite ngayon ng mga dokumento si Gen. Reynaldo Acop sa Senate committee on Public Order and Illegal Drugs na pinamumunuan ni Senator Robert Barbers para patunayan na lehitimong police operations ang Oplan Cyclops at Oplan Athena na binabanggit ni Rosebud.
Bukod dito, ihaharap din sana ang mga naging biktima ng estafa ni Ador dito sa Metro Manila at Baguio City na niloko nito matapos bentahan sila ng mga smuggled cellfones pero makaraang maibigay ang bayad ay hindi na ito nagpakita sa kanila.
Siniguro naman ni Lacson na dadalo ito sa isasagawang pagdinig ng Senado upang harapin ang mga umaakusa sa kanya na sina Rosebud, Ador at Col. Vic Corpus.
Aniya, haharap siya sa komite bilang miyembro upang igisa si Rosebud na umakusa sa kanyang iniutos nito kina Acop at Campos na muling ibenta sa lansangan ang mga nakukumpiska nilang droga sa mga buy-bust operations.
Mariing itinanggi din ni Lacson ang akusasyon ni Rosebud na pumunta siya sa Hong Kong kasama si Kim Wong para makipagkita sa lider umano ng HK Triad na isang Mr. Lee.
Winika nito, nagtungo siya sa Hong Kong kasama si Atty. Evaristo Gana upang makipagpulong kay Senior Detective Ron Abott at hindi para makipag-usap sa isang Mr. Lee.
Samantala, siniguro naman ni Sen. Barbers na ang unang isasalang sa hot seat sa pagpapatuloy ng pagdinig ng kanyang komite si Rosebud upang ipagpatuloy nito ang kanyang mga testimonyang inilalahad sa imbestigasyon.
Sa kabilang dako, nakakita naman ng kaalyado si Lacson sa gitna ng panawagan ng civil society sa pangunguna ng Makati Business Club sa pagpapatalsik sa kanya.
Sinuportahan nina administration Senators Joker Arroyo, chairman ng Blue Ribbon committee at Francis Pangilinan, chairman ng Senate committee on Ethics, na hindi puwedeng patalsikin si Lacson sakaling mapatunayan mang totoo ang akusasyon laban dito.
Sinabi ng dalawang senador, hindi maaaring patalsikin si Lacson sakaling totoo man ang akusasyon dito dahil nangyari ang mga ito noong hindi pa siya nahahalal na senador ng bansa kundi bilang PNP chief.
Ang mga inaasahang dadalo din sa ika-limang public hearing ng komite ni Sen. Barbers ay sina Gen. Reynor Gonzales ng Narcotics Group; Gen. Reynaldo Acop, former Recom 4 director; Gen. Domingo Reyes, incumbent Recom 4 director; Col. Francisco Villaroman, former intelligence ng Region 4; Col. John Campos ng PNP; Atty. Rodolfo Tablante; Atty. Evaristo Gana, chief of staff ni Sen. Lacson; Ms. Phoebe Astudillo; Col. Corpus at Rosebud. (Ulat ni Rudy Andal)