Ito ang nabatid kahapon sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group matapos na makatakas ang isang lalaking estudyante ng Trinity College sa Quezon City mula sa kamay ng nasabing gang na kumidnap rito kamakalawa.
Nakilala ang nakatakas na biktimang si Mario A. Asumbrado, first year Hotel and Restaurant Management student at residente ng #57 Mary Covident Village, Marikina City.
Sa pahayag ng biktima sa pulisya, dinukot siya dakong alas-4:30 ng hapon kamakalawa habang naghihintay ng masasakyan papuntang Cubao sa harapan ng Trinity College sa E. Rodriguez Avenue.
Isang L-300 van na kulay tsokolate na may plakang DEL-412 at isang motorsiklo ang huminto sa kanyang harapan at isang lalaki na armado ng .45 kalibre na baril ang bumaba mula sa motorsiklo at tinutukan ang biktima.
Isinakay ito sa van na may sakay pang tatlong armadong lalaki at sa loob nito ay nakita niya ang walo pang kabataan na pawang nakapiring ang mga mata at karamihan sa mga ito ay nakauniporme pa.
Bago pa siya makapag-obserbang mabuti ay piniringan na rin siya ng tatlong suspek.
Ilang oras silang nagbiyahe hanggang sa tumigil ang nasabing van dakong alas-7:30 ng gabi. Nagkunwaring naiihi ang biktima at nagpaalam sa mga kidnapper.
"Galit na pinayagan ako, kaysa naman daw na magkalat ako sa sasakyan kaya pinahinto nila ito tapos tinanggal ang piring sa mata ko at pinababa ako ng van," ani Asumbrado.
Dito na sinamantala ng biktima ang pagkakataon at agad kumaripas ng takbo hanggang sa makarating sa Cloverleaf market sa Edsa.
Hinabol siya ng dalawa sa apat na suspek pero hindi siya naabutan dahil nakasakay na ito ng pampasaherong jeepney.
Masusing sinisilip ng PNP ang anggulong panibagong modus operandi ng naglipanang criminal gang kung saan maramihan kung dumukot ang mga ito at isasakay sa L-300 van bago doon pipiliin kung sino ang ilalaglag na biktima at kung sino ang may kaya na posible nilang "magatasan" sa pamamagitan ng paghingi ng ransom sa pamilya nito. (Ulat nina Joy Cantos at Jhay Mejias)