Gen. Dominguez, pinaiyak ng mga senador

Hindi napigilan ni AFP Brigadier General Romeo Dominguez ang pagpatak ng kanyang luha matapos niyang madama na parang nais ipahiwatig ng pagtatanong sa kanya ng mga senador na may kinalaman siya sa pagdadala ng ransom money upang makalaya sina Rhegis Romero at ang anak nitong bihag ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Sinabi ni Dominguez na dating hepe ng Philippine Army na hindi niya kayang itaya ang kanyang karangalan at buhay ng kanyang mga sundalo kapalit lamang ng blood money na siyang nais ipahiwatig ng mga nag-aakusa sa kanya.

Aminado naman si Coronel Juvenal Narcise, ang tumatayong ground commander na nagkaroon ng tactical lapses ang kanilang hanay sa kasagsagan ng pakikipaglaban nila sa Abu Sayyaf.

Sinabi ni Narcise sa joint committee hearing ng Senate national defense and security at justice and human rights na nagkulang sila sa intelligence gathering kung saan talaga nakapuwesto ang Abu Sayyaf na noon ay inookupa na ang St. Peter Church at Dr. Jose Maria Torres Memorial Hospital sa Lamitan.

Sa kabila na naka-deploy ang dalawang team ng Scout Rangers at mahigit 100 kasapi ng 55th Infantry Battalion ng Army sa naturang lugar, nalagasan agad ang mga ito ng apat na sundalo at apat pa sa mga ito ay sugatan.

Hindi agad nila nasabihan ang Scout Rangers na unang dumating sa harap ng St. Peter Church na nasa ambush position ang snipers ng Abu Sayyaf sa tore ng simbahan kaya’t nasorpresa ang mga ito. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments