Dakong alas-6:05 ng umaga ng malagutan ng hininga si Peña, 55, sa Manila Doctors Hospital.
Bago dalhin sa nasabing ospital, nabatid na ilang linggong naratay sa St. Lukes Medical Center ang butihing heneral ngunit dahil sa kumplikasyon ng karamdaman nito ay nagdesisyon ang kanyang pamilya na dalhin ito sa MDH.
Batay sa rekord, bago naitalaga bilang PNP deputy chief for operations nitong nakaraang buwan si Pena ay nagsilbi muna ito bilang regional director ng NCRPO.
Nagsilbi rin ito bilang PNP director for Investigation and Detective Management at hepe ng Directorial Staff.
Sa kabila ng pagkakaroon nito ng lung cancer ay bumalik sa serbisyo sa rekomendasyon na rin ng kanyang mga doktor na maaari pa itong magtrabaho para hindi mainip.
Sinasabing naging mabilis ang pag-angat ng career ni Peña sa serbisyo ng magsimula ito bilang patrolman noong Hulyo 1, 1966 sa Makati City Police hanggang sa narating ang ranggong 3-star general.
Adopted member siya ng batch 1970 ng Philippine Military Academy at ilang beses naging kontrobersiyal bunsod na rin ng umanoy mataray na personalidad nito.
Isa si Peña sa mga pinagpilian noong panahon ng administrasyong Estrada para sa pagka-PNP chief ngunit si Sen. Panfilo Lacson ang nahirang.
Ayon naman kay PNP Chief Director Gen. Leandro Mendoza, si Peña ay isang magandang ehemplo ng mga nagsusumikap na kagawad ng pulisya dahil nagsimula ito sa pinakamababang ranggo.
Ang labi ni Peña ay ibuburol sa multi-purpose center sa Camp Crame. (Ulat nina Joy Cantos,Lordeth Bonilla at Andi Garcia)