Sinabi ni Rosebud sa Senate committees on public order and illegal drugs, national defense and security at blue ribbon na umaabot sa P24 bilyon ang kinikita ng Hong Kong Triad at kasabwat nitong mga pulis sa pamumuno ni Senator Panfilo Lacson kada taon mula noong 1998 hanggang 2000.
Hindi naman tinukoy ni Rosebud kung nasan ang nasabing bodega na binabagsakan ng bulto-bultong shabu shipment na ipinadala ng HK Triad.
Inamin ni Rosebud sa joint Senate committees inquiry na nagsilbi siyang undercover agent ng dating Presidential Anti-Crime Commission (PACC) hanggang sa lumipat siya sa PAOCTF makaraang ipakilala siya kay Lacson ng isang kaibigang Chinese na si Alfred Lim.
Ginamit din siyang "tulay" para makipag-transaksiyon sa HK Triad kung saan ay naging miyembro siya nito. Dahil sa pagiging miyembro niya ay siya ang ginagamit nina dating PNP Region 4 director C/Supt. Reynaldo Acop at Sen. Lacson upang makipag-transaksiyon sa nasabing sindikato.
Noong October 1998, inutusan umano siya ni Acop na umorder ng P2 milyon halaga ng shabu sa HK Triad at ang gagamitin sana nilang show money ay ang UCPB check ni Acop, pero nabigo sila kaya kinontak na lamang ang intelligence officer ni Acop na si Sr. Supt. Francisco Villaroman, kung saan ay dinala naman nito ang dalawang envelop na naglalaman ng jueteng money na nagmula umano sa jueteng lord ng Southern Tagalog na si Charing Magbuhos sa isang foodchain sa Sucat.
"Ako kasama si Supt. John Campos ang kumukolekta ng pera na pinagbentahan ng droga kung saan ay ako naman mismo ang nagbabayad sa Hong Kong Triad sa pamamagitan ng paghuhulog sa banko gamit ang Binondo Central Bank kung saan ay matagal din akong nagtrabaho simula 1979-86," sabi pa ni Rosebud.
Idinagdag pa ni Ong na hindi lamang mga pulis ang kasabwat ng HK Triad kaya nakakapagpuslit ito ng 2,000 kilo ng shabu linggo-linggo sa pamamagitan ng eroplano at mga barko.
Aniya, kasabwat din ng sindikato ang ilang tauhan ng airline, shipping companies at customs officials kaya nakakalusot ang mga kargamento nito na nakalagay sa balikbayan boxes at container vans sa lahat ng daungan sa bansa.
Nakahandang iharap ni Rosebud ang kanyang "bayong" ng ebidensiya sa susunod na pagdinig ng Senado kabilang ang photo copy ng tseke na pirmado ni Acop na dapat ay ginamit sa pambili ng droga noong 1998 sa HK Triad.
Aniya, natuklasan niya ang koneksiyon ni Wong sa naturang sindikato dahil kaibigan mismo nito ang lider ng nasabing drug syndicate na nakilala lamang sa pangalang Mr. Lee na nakabase sa Hong Kong.
"Nakita ko si Kim mismo na kausap ang lider ng HK Triad na si Mr. Lee sa isang restaurant sa Hong Kong kaya nasisiguro kong siya ang koneksiyon ng Triad dito sa Pilipinas," pahayag ni Rosebud.
Sinabi ni Rosebud na siya ang hinahanap ng HK Triad dahil sa pagkabigong mabayaran ang nasabing shipment ng droga na ipinadala ng sindikato sa naturang bodega.
Kinompronta niya si Sen. Lacson na noon ay PNP chief hinggil sa pagkabigong mabayaran ang naipadalang drug shipment na nasa bodega.
Sa takot na may mangyari sa kanyang buhay ay nagdesisyon itong kumalas mula sa sindikato ng droga at lumutang para tumestigo laban sa drug trafficking activities ni Lacson.
Tumanggi naman si Rosebud na pangalanan ang iba pang matataas na opisyal ng PNP at iba pang ahensiya ng pamahalaan na kasabwat ng grupo ni Lacson sa nasabing illegal drug activities.
Aniya, ihahayag lamang niya ito sa executive session upang hindi naman malagay sa panganib ang kanyang buhay at ang buhay ng kanyang dalawang anak.
Partikular na tinukoy naman ni Corpus sa joint hearing kahapon na dumadaan ang mga droga mula sa Xiamen, Hong Kong at Taiwan sa Ninoy Aquino International Airport at Mactan International Airport sa Cebu.
Idinagdag pa ni Corpus na ang NAIA at Mactan ang nagsisilbing transhipment ng droga para ipamahagi naman sa bansang Japan, US, Thailand, Malaysia at Indonesia. (Ulat ni Rudy Andal)