Personal na nagtungo kahapon ng madaling araw kay Cavite Provincial Director Samuel Pagdilao ang suspek na si Benedicto Maliksi Jr., 27 anyos, may asawa, walang trabaho at residente ng Brgy. Zapote 4, Bacoor, Cavite.
Inamin ng suspek na siya ang bumaril at nakapatay sa biktimang si Dennis Ramos, 35, may asawa ng Brgy. Zapote 4, Bacoor Cavite at isang batikang mamamahayag sa lalawigan ng Cavite.
Nabatid na dakong alas-12:45 ng madaling araw ng samahan ang suspek ng kanyang amang si Benedicto Sr., at P/Insp. Francisco Moral Jr. ng Special Operations Group sa tanggapan ni Pagdilao.
Ayon sa suspek, binaril at napatay niya si Ramos matapos nitong paalisin ang ilang kabataan na naglalaro sa video karera na pag-aari ni Arnel "Bulag" Torres, ninong ng biktima. Nagkasagutan umano sila ni Ramos at ito umano ang naging motibo niya upang magtanim ng sama ng loob sa biktima hanggang sa tambangan niya ito at pagbabarilin.
Sinabi pa ng suspek na inagaw niya ang sariling baril ni Ramos at ito ang ginamit niya sa pagbaril sa biktima. Taliwas ang pahayag na ito sa naunang report na wala umanong baril si Ramos.
Habang sinisiyasat ang kaso ay nagpahayag ang Cavite PNP na lumalabas na personal na motibo ang ugat sa pagpaslang kay Ramos at malayo sa sinasabing pulitika at droga.
Nakatakdang sampahan ng kasong murder ang suspek. (Ulat nina Cristina Go-Timbang)