Naganap ang oras ng pag-ambus habang ginigisa ng House Defense Committee na pinamumunuan ni Rep. Prospero Pichay ang mga military ukol sa akusasyon ni Fr. Cirilo Nacorda na nakipagsabwatan umano ang mga militar sa Abu Sayyaf noong Hunyo 2 sa Lamitan encounter.
Sa ulat na natanggap ni Army Col. Hermogenes Esperon, hepe ng 103rd Army Brigade at pinuno ng Task Force Thunder, habang tumatakbo ang pampasaherong jeep sa may Sitio Singit, Brgy. Canlas na kinalululanan ng mga biktima nang sumalakay ang mga bandido dakong alas-2:30 ng hapon.
Ang pampasaherong jeep na may tatak na Sahara II, may plakang JVC 611, kulay asul na puno ng mga pasahero ay agad na pinaulanan ng bala ng mga bandido.
Namatay noon din ang isang Pfc. Sawara, kasama nitong militiaman na kapwa nakatalaga sa 10th Infantry Battalion, apat na sibilyan habang sampu dito ang nasugatan na dinala sa ibat-ibang pagamutan.
Mabilis na tumakas ang mga bandido matapos ang pag-ambus nang makita nila na may paparating na mga sundalo.
Malaki ang paniniwala ng mga awtoridad na ang pagsalakay ng mga bandido ay may kaugnayan sa nadiskubreng kuweba ng mga militar na sumusuyod sa kagubatan ng Sumisip.
Ang nasabing kuweba na gawa lang ng tao ay siyang pinagtataguan ng mga bandido at dito isinasagawa ang kanilang mga planong pagsalakay. (Ulat ni Roel Pareño)