Sa tatlong-pahinang complaint affidavit ni Mawanay sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Archie Guevarra, sinabi nito na iligal siyang ipinakulong nina Senators Robert Barbers, Aquilino Pimentel, Jr; Loren Legarda-Leviste; Rodolfo Biazon; Tessie Aquino-Oreta; Robert Jaworski; Noli de Castro at John Osmeña.
Ayon kay Mawanay, walang matibay na basehan ang nasabing mga senador para siya i-contempt at ipakulong noong Biyernes.
"I did not do anything that tended to obstruct or interrupt the committee investigation, nor did I refuse to answer a question asked of me or perform any act that may be considered disrespectful," pahayag ni Ador sa kanyang complaint.
Nilinaw ni Mawanay sa kanyang affidavit na halatang napikon si Legarda sa kanyang isinagot sa ibinigay nitong katanungan, ngunit ito umano ang katotohanan.
Ikinagulat umano niya ang pagtatanong ng ilang senador sa kanya hinggil sa koneksiyon niya kay Sen. Legarda dahil sa hindi naman ito umano ang kanyang dapat linawin sa naturang pagdinig, kung hindi ang kanyang koneksiyon lamang kina Sen. Panfilo Lacson, Supt. Michael Ray Aquino at Supt. Cesar Mancao.
Dahil ditoy wala umanong malinaw na basehan para siya "pigain" ni Sen. Legarda hinggil sa transaksiyon nito sa cellphones dahil sa hindi naman ito ang kanyang lilinawin.
Binigyang-diin pa rin sa affidavit nito na walang ipinalabas na resolution ang investigating committee at walang "quorum" o ang tinatawag na tamang bilang ng boto ng mga senador upang ipakulong si Mawanay.
Magugunita na inutos ni Barbers ang pagpapakulong kay Mawanay hanggang hindi pa ito nakakakuha ng matitibay na ebidensiya kaugnay sa alegasyon nito kay Sen. Legarda na binentahan niya ito ng 1,000 piraso ng mga cellphones na nagkakahalaga ng P8.9M noong December 1998.
Samantala sa kanya namang privelege speech sa Senado, sinabi ni Senate Majority Leader Sen. Legarda na magsasampa rin siya ng karampatang demanda laban kay Mawanay.
"Pinahahalagahan ko higit sa aking buhay ang malinis kong pangalan na ipinamana sa akin ng aking mga magulang," anang senadora. (Ulat ni Grace Amargo)