Ayon kay Ombudsman Aniano Desierto, binigyan ng kanyang tanggapan ng 15-araw si Corpus upang mangalap ng mga dokumento at ebidensiyang magpapatunay laban sa alegasyon nito kay Lacson.
Sinabi ni Desierto na nangako si Corpus na isusumite nito sa lalong madaling panahon ang mga nasabing dokumento upang maisulong ang alegasyon laban kay Lacson at masampahan ito ng kaukulang kaso.
Una ditoy pinadalhan ng subpoena ng tanggapan ng Ombudsman ang mga miyembro ng ISAFP na sangkot sa nabanggit na usapin upang magbigay ng kanilang statements.
Magugunita na una ng ibinulgar ni Corpus na mayroong mga tagong salapi si Lacson at ang asawa nitong si Alice sa Hong Kong at mga pag-aari sa Estados Unidos. Sina Lacson at dating pangulong Estrada umano ay mayroong salaping nagkakahalaga ng mahigit na $700M sa naturang bansa. (Ulat ni Grace Amargo)