Sa unang apat na buwan ng 2001, sinabi ng Pangulo na 25 porsiyento ng gross national product ang mula sa ipinadalang dollar ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Ang pahayag na ito ay tugon ng Pangulo sa isang katanungan ng Pilipinong OFW sa Hong Kong kung anong tulong ang maaasahan nila sa pamahalaan sa sandaling nais nilang umuwi na para dito magtrabaho.
Sa programang Meet the President ng ABS-CBN, sinabi ng Pangulo na ang mga Pilipinong OFWs ay ginaganyak din niyang magtayo ng sariling negosyo sa pamamagitan ng pautang sa ilalim ng tinatawag na Grameen-type micro financing.
Para makinabang sa micro-financing ng gobyerno ang mga OFWs ay kailangang bumuo ng maliit na grupo.
Hindi na nila kailangan pang magpunta sa banko para mangutang kundi lalapitan na sila ng mga empleyado ng banko sa kani-kanilang barangay. Ang hulog nila sa utang ay gagawin bawat linggo sa halip na taunan.
Ang sistemang ito ng pautang na walang kolateral ay ipinatupad ni Dr. Mohammad Yunus, managing director ng Grameen Bank sa Bangladesh para sa mahihirap at nagsasariling negosyanteng kababaihan sa Bangladesh. (Ulat ni Lilia Tolentino)