Ayon kay Crispin Beltran, pangulo ng KMU at Bayan Muna Representative-elect, mas kailangan paniwalaan ng Pangulo ang ipinapayo dito ng mamamayang Pilipino kaysa sa oposisyon dahil ang taumbayan lamang ang nakakaramdam ng mga bagay na maaaring bigyang kalutasan ng pamahalaan.
Higit sa lahat, sinabi din ng KMU na dapat pakinggan ni Pangulong Arroyo ang ibat ibang sector at ang mga grupong nagpakahirap nang ipaglaban ang karapatan sa naganap na Edsa 2.
"Pero pinili niyang pakinggan ang military, malalaking negosyo at mga finance institution tulad ng IMF-World Bank, WTO at ADB," pahayag ni Beltran.
Ayon dito, panahon na upang mag-isip ang Pangulo kung sino ang mga taong dapat niyang sundin at papakinggan kung nais niyang magkaroon ng kapayapaan at pag-unlad ang bansa.
Kaugnay nito, kinondena din ng mga militanteng grupo si Sen. Edgardo Angara at mga kasamahan nito sa oposisyon dahil sa paggamit ng mga ito sa taumbayan sa kanilang mga pagpapahayag laban sa pamahalaan.
Ayon sa KMU, walang karapatan ang oposisyon na gamitin ang mahihirap na mamamayan sa kanilang mga inilalatag na usapin dahil ang oposisyon kasama na ang kanilang dating boss na si dating President Estrada ay nagtaksil sa bayan at hindi naipatupad ang mga pangakong kaunlaran. (Ulat ni Angie dela Cruz)