Sa kabila ng mga mamahalin at magagarang sasakyan na kalimitang ginagamit ng mga mambabatas, isang kongresista ang pumapasok sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na naka-bisikleta lamang.
Datiy isa lamang kristo sa sabungan, ngayon ay isa nang "instant superstar" sa Kongreso si Compostela Valley Rep. Manuel "Way Kurat" Zamora.
Kahit hindi ito nakatapos ng pag-aaral, ipinagmamalaki ng kongresista na sikat siya sa kanilang probinsiya dahil sa pagiging isang kristo sa sabungan at isang imbentor. Siya ang naka-imbento ng makina na maaaring makapagbalat ng ilang baldeng mani na hindi na gagamit ng kamay.
Sa unang araw na pagpasok niya ay inakala ng mga empleyado sa House na sa staff lamang ng isang congressman ang bisikleta na may plakang otso.
Bukod sa nakabisikleta, kalimitan naka-shorts na puruntong o jogging pants ito tuwing pumapasok at nagpapalit lamang ng damit pagdating sa loob ng kanyang opisina. Nagsusuot lamang siya ng barong kapag may sesyon.
Sa panayam kay Zamora, mas nakakatulong sa kanya ang paggamit ng bisikleta dahil kailangan niyang mag-ehersisyo. Kung hindi anya siya pinagpapawisan ay nagkakasakit ito. Bukod dito, malapit lamang sa Batasan ang kanyang inuupahang subdivision.
Bagaman at aminado siya na isa siyang sabungero, hindi umano nangangahulugan na isa siyang sugarol.
"Kung hindi sa pagka-sabungero ko, hindi ako mananalo sa eleksiyon. Ang masama ninakaw mo yong pinangsasabong mo," wika nito.
Tanging si Zamora rin sa mga kongresista ang humiling sa mga security personnel na huwag siyang tawaging "sir" kundi "Way Kurat," isang Bisayan term na ang ibig sabihin ay "no fear" o walang takot.
Taliwas sa ibang kongresista na naghahangad na makakuha ng mga "juicy at powerful committee" mas pinili pa ni Zamora na mailagay siya sa Committee on Science and Technology upang mapakinabangan umano ang kanyang talento at pagiging inventor. Tanging hinihiling niya kay House Sergeant-at-Arms Bayani Favic ay ang kasiguruhan na hindi mananakaw ang kanyang bisikleta na nagkakahalaga ng P5,000. (Ulat ni Malou Rongalerios)