P 1-M sa ulo ng pushers alok ng PNP

"Who want’s to be a millionaire?"

Ito na ang pagkakataon ng mga nais maging milyonaryo.

Naglunsad kahapon ang Philippine National Police (PNP) ng "Oplan Private Eye" na nag-aalok ng pabuya mula P1,000 hanggang P1 milyon para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadarakip ng mga drug pushers sa Metro Manila.

Ang reward money ay depende sa dami ng droga na makukumpiska ng pulisya mula sa isinumbong na drug pusher at illegal drug business. Kung mabibisto ng sibilyan ang malakihang bentahan ng droga ay maaari itong pagkalooban ng P1 milyon pabuya na nangangahulugan na ito ay magiging isang "instant millionaire."

"Tinatawagan namin ang taumbayan na suportahan ang aming programa. Sinisiguro namin na maitatago ang kanilang pagkakakilanlan at mabibigyan ng proteksiyon ang kanilang pamilya," pagbibigay katiyakan kahapon ni Miguel Coronel, executive director ng National Drug Law Enforcement and Prevention Coordinating Center.

Gayunman, sinabi ng PNP na ang paghingi nila ng tulong sa mga sibilyan para sa paglaban sa ilegal na droga ay hindi nangangahulugan na inutil sila sa kanilang tungkulin. Nais lamang umano nila na hikayatin ang mga ito na maging responsable din sa pagsugpo ng drug activities sa bansa.

Ang pabuya ay ibibigay lamang sa nag-tip sa oras na maging matagumpay ang operasyon at ang salapi ay kukunin sa pondo ng PNP. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments