Ayon kay Biazon, panahon na upang amyendahan ang Family Code dahil nakakabahala ang napalathalang ulat kamakailan kaugnay sa pagpapakasal ng dalawang lalaki na ang isa ay nagpabago lamang ng sexual organ, dito mismo sa Pilipinas.
Ikinatwiran umano ng judge na nagkasal sa dalawa na maaari nang maging legal na babae ang isang operadang lalaki sa pamamagitan ng isang court decision at puwede na ring maging legal ang kasal nila.
Sa panukala ni Biazon, ang maaari lamang magpakasal ay ang mga natural born male at ang mga natural born female at hindi ang mga operadang babae o lalaki na nagpabago ng kasarian.
Sinabi pa nito na ang unang dahilan kung bakit nagpapakasal ang isang lalaki at isang babae ay upang magkaroon ng anak at imposible itong mangyari kung parehong babae o parehong lalaki ang nagpapakasal sa isat isa.
Hindi lamang umano labag sa batas ang pagpapakasal ng dalawang taong pareho ang kasarian kundi labag din ito sa utos ng Diyos.
Kung hindi aamyendahan ang nasabing batas ay baka dumami umano ang mga nagpapakasal na bakla at tomboy. (UIat ni Malou Rongalerios)