Ayon kay Bayan Muna Party List Rep. Crispin Beltran, sadyang pinatatagal ang proklamasyon ng Bayan Muna dahil siguradong may masisilip silang anomalya sa House.
Imbes na ipaglaban umano ng mga nakaupong mambabatas ang interes ng maliliit na mamamayan ay inuuna pa ng mga ito ang sariling interes kaya halos lahat ay nag-aagawan sa mga komite na pagkakakitaan.
Isinantabi umano ng Bayan Muna ang maka-kaliwang pakikibaka at lumahok sa nakaraang eleksiyon, pero pinipigilan naman ng pamahalaan na makaupo sila sa Kongreso.
"Sumunod ang Bayan Muna sa rules ng electoral arena, nangampanya kami ng naaayon sa batas, at ibinoto kami ng nasa 1.7 milyon na botante, subalit ngayon ay ipinagkakait nila sa amin ang karapatan na maiproklama," ani Beltran.
Nakatakdang magsagawa ngayon ng picket sa harap ng tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Maynila ang lahat ng mass organizations na sumuporta sa Bayan Muna para ipakita ang kanilang pagtutol sa napakatagal na proklamasyon ng mga party list representatives.
Kasama ni Beltran na nananalong kinatawan ng Bayan Muna sina Satur Ocampo at Liza Maza. (Ulat nina Malou Rongalerios)