Nakakuha si Speaker de Venecia ng botong 184, samantala 17 lamang ang bumoto kay Padilla at nag-iisang nag-abstain si San Juan Rep. Ronaldo Zamora. Alinsunod na rin sa nakagawian o tradisyon, nagpalitan ng boto sina de Venecia at Padilla.
Dahil sa pagkatalo ni Padilla, ito ang awtomatikong uupo bilang Minority Floor Leader.
Inihalal naman bilang Majority Leader si Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales, samantalang napili bilang mga Deputy Speakers sina Masbate Rep. Emilio Espinosa para sa Luzon, Iloilo Rep. Raul Gonzales para sa Visayas at Basilan Rep. Abdulgani Salapuddin para sa Mindanao.
Bago ang botohan sa Speaker, kinuwestiyon ng mga mambabatas ang kapangyarihan ni House Secretary General Roberto Nazareno na pangunahan ang pagbubukas ng 12th Congress at pamunuan ang botohan dahil hindi umano ito isang kongresista. Ikinatuwiran ni Nazareno na sinunod lamang niya ang nakaugalian tuwing magbubukas ang 1st regular session ng Kongreso ay nagiging presiding officer ang secretary general.
Nabigong makasali sa botohan at makadalo sa sesyon ang mga mambabatas na kasapi sa Party List group dahil hanggang sa kasalukuyan ay wala pang naipoproklama sa kanila. (Ulat nina Malou Rongalerios/Jhay Mejias)