Sa inisyal na ulat, dakong 6:30 kagabi ng maganap ang insidente sa Bonifacio Drive.
Sakay ang mga pinaghihinalaang suspek ng isang kulay asul na Toyota Tamaraw utility van na may plakang GCX-815 habang nakasunod ang mga tauhan ng PNP-IG sa pamumuno ni Superintendent Jaime Caringal, deputy chief ng PNP-IG na sakay naman ng kulay pulang Toyota Land Cruiser na may plakang TJJ-772.
Sinenyasan ni Caringal ang van na huminto, pero sa halip na tumigil ay dalawang lalaki na armado ng kalibre .45 baril ang bumaba at pinaputukan ang nauunang sasakyan ng mga awtoridad.
Ang mga putok ay tumama sa salamin ng Land Cruiser at dito nasugatan si C/Inspector Nonimer Deltran ng PNP-IG na nagbunsod na ng palitan ng putok.
Isa sa mga robber ang patay na nakahandusay sa gitna ng kalye habang pito sa mga kasama nito ang naratrat ng bala sa loob ng van.
Ang ika-siyam na suspek ay dead on arrival sa Ospital ng Maynila, habang si Deltran ay isinugod din sa nasabing ospital.
Nabatid kay Caringal na matagal na nilang sinusubaybayan ang nasabing grupo ng mga suspek matapos makatanggap ng report na nagpaplano itong mangholdap ng isang money-changer shop sa Traders Hotel kaya inunahan na nila.
Ilan sa mga ito ay dati na umanong naaresto ng mga awtoridad pero nakatakas. Sunud-sunod na surveillance ang ginawang follow-up hanggang sa matukoy ang hideout ng mga ito sa Port Area.
Bukod sa narekober na kalibre .45 baril, tinangkang hanapin ng mga reporters ang mga armas ng mga suspek, pero ayon kay Caringal ang mga armas ay nasa loob ng van.
Gayunman walang makita ni isang armas, sanhi na rin ng kadiliman at pagkakapatong-patong ng mga bangkay sa loob ng van. (Ulat ni Grace Amargo)