Ayon kay Archie Guevarra ng grupong Sanlakas, maaaring pakitang-tao lamang ang naganap na pagbaba sa oil prices dahil sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo.
Sinabi naman ng Buklurang Manggagawang Pilipino (BMP) na ang naturang hakbang ay senyales lamang para makalma ang taumbayan mula sa patuloy na pagbagsak ng ekonomiya ng bansa.
Hindi umano sila kumbinsido sa rollback dahil kung tutuusin ay napakaliit ng 20 sentimos kumpara sa ginawang pagtaas sa presyo nitong mga nakaraang buwan na ang pinakahuli ay ang 60 sentimo per litro.
Nabatid pa sa BMP na kahit may rollback wala itong maitutulong sa mga manggagawang Pilipino dahilan sa kawalan ng sapat na programa ng pamahalaan sa mga ito.
Nagkaroon ng rollback sa presyo ng gasolina dahilan sa pagbaba umano ng halaga ng krudo sa World market.
Inaasahang sa buwan pa ng Agosto mangyayari ang rollback pero kataka-taka umanong naganap ito ilang araw bago maganap ang SONA.
Sinabi naman ni Negros Occidental Rep. Apolinario Lozada na bagaman nagsagawa ng rollback ang mga kompanya ng langis, dapat pa rin umanong ipatawag ng Kongreso ang mga kompanyang ito upang malaman kung bakit nagkakaroon ng diumanoy overpricing ang tatlong kompanya sa fuel products.
Kung totoo umanong nalulugi ang mga nasabing kompanya ay siguradong matagal nang nagsara ang mga ito.
Lumalabas sa IBON Data Foundation na umabot sa P6.6 bilyon "hidden profit" ang kinita ng Shell, Caltex at Petron noong nakaraang taon.
Naniniwala si Lozada na nagsagawa muna ng computation ang tatlong oil companies bago isinagawa ang rollback para masiguro na mataas pa rin ang kanilang kikitain. (Ulat nina Angie dela Cruz at Malou Rongalerios)