3 kongresista mangunguna sa rally sa SONA

Tatlong party-list congressmen at isang city councilor ang mangunguna sa ilulunsad na kilos protesta ng militanteng grupo ng manggagawa, transportasyon at iba pang cause-oriented groups sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo.

Sa nakalap na intelligence report ng AFP, mangunguna ang Bayan Muna sa sunud-sunod na isasagawang martsa sa Liwasang Bonifacio sa Maynila at Batasang Pambansa sa Quezon City .

Ang Bayan Muna ay kakatawanin sa House of Representatives nina Satur Ocampo, dating spokesperson ng National Democratic Front; Crispin Beltran ng Kilusang Mayo Uno at Liza Masa ng Gabriela.

Ang tatlo ay inaasahang uupo sa Kongreso makaraang makakuha ng sapat na boto noong nakaraang eleksiyon, bagaman wala pa ring proklamasyon sa party-list groups hanggang ngayon.

Nakasaad pa sa military report na ang mga kaalyadong grupong Bayan, KMU, League of Filipino Students at Kadamay ang siyang magpoproklama kina Ocampo, Beltran at Masa sa araw ng SONA.

Nabatid pa na si Beltran ang mamumuno sa protest actions sa Luzon; si Masa sa Visayas at si Caloocan City councilor Nathaniel Santiago sa Mindanao.

Lalahok din sa pagkilos ang grupong Piston, Courage, Undoc, Naflu at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na sinasabing pawang "fronts" ng NDF.

Ayon pa sa report, hindi magtatagal ay gagamitin din ng Bayan Muna ang makukuhang pondo nito sa Kongreso para gamitin sa mga aktibidad nito kontra sa gobyerno. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments