Ayon kay House Sergeant-at-arms retired Gen. Bayani Fabic, mahigpit na ipatutupad ang "no invitation, no entry" sa loob ng session hall upang masiguro na hindi magkakaroon ng kaguluhan habang nagsasalita ang Presidente.
Niliwanag ni Fabic na ang Legislative Security Bureau na kanyang pinamumunuan ang mangangalaga sa seguridad at kaayusan sa loob ng session hall, samantala ang PNP Action Force naman ang magbabantay sa loob ng Batasan complex.
Hiniling naman ng Bagong Alyansang Makabayan sa PNP na payagan sila at ang iba pang grupo na makapagdaos ng mapayapang rally sa Lunes.
Hindi na umano dapat maulit ang nangyari noong nakaraang taon kung saan nagkaroon ng madugong dispersal na naging sanhi ng pagkasugat ng maraming ralista.
Sinabi ni Teodoro Casino, tagapagsalita ng Bayan na hindi dapat pinipigilan ang mga mamamayan na makapagpahayag ng kanilang saloobin.
Sa isang dayalogo sa pagitan ng PNP-NCR at ng mga militanteng grupo, hiniling ni Casino na isarado sa trapiko ang East-bound lane ng Commonwealth Ave. at hayaang makapasok ang mga ralista.
Maaari naman umanong magkaroon ng rerouting para hindi umangal sa trapiko ang mga motorista. (Ulat ni Malou Rongalerios)