Sinabi ni Pangulong Arroyo na bagaman nalalathala sa mga pahayagan ang mga charity works ng kanyang asawa, ginagawa ito ng first Gentleman dahil ito ang trabaho niya at walang motibong pulitikal.
"Mula sa unang First Lady ng ating kasaysayan, yong trabaho ng First Lady ay charity work at ito ang responsibilidad ng First Husband," pahayag ng Pangulo.
Kasabay nito ay naglunsad si Ginoong Arroyo ng isang kampanya nang pangangalap ng P2.3 milyon o katumbas na 150,000 dirhams bilang blood money para mapalaya sa bilangguan ang OFW na si Mary Jane Ramos na nakakulong ngayon sa Dubai.
Si Ramos, 23, ay nahatulang mabilanggo matapos patayin ang kanyang among lalaki na nagtangkang gumahasa sa kanya dalawang araw pagkaraang dumating ito sa Dubai noong Enero 1999.
Nauna nang pinawalang-sala ng Sharia Court ng Ras al Khaima si Ramos pero umapela ang Public Prosecutor at ang pinakapinal na naging hatol sa kanya ng UAE court ay mabilanggo sa loob ng dalawang taon at magbayad ng 150,000 dirhams blood money. Napagsilbihan na nito ang dalawang taong pagkabilanggo at ang blood money na lamang ang hinihintay para tuluyan na itong makalaya. (Ulat ni Lilia Tolentino)